Sinasariwa nitong unang libro ng mga tula ni Miguel Paolo Celestial ang mga gusto mang limutin ngunit laging nagmumultong mga taon sa buhay ng awtor nang unti-unti siyang nilamon ng pagnanasa at ganap na nilulon ng adiksiyon sa droga.
Kilalá si Miguel Paolo Celestial bilang “Paolo” sa kanyang pamilya, mga naging kaklase paglaki, matatalik na kaibigan, at mga nakasalamuha sa rehab. “Miguel” naman ang tawag sa kanya ng mga naging doktor, katrabaho sa opisina, at mga kaklase sa masterado sa San Francisco.
Nagtapos siya ng BS Management Engineering minor in English Literature sa Ateneo de Manila University at Master in Business Administration sa Hult International Business School sa California. Pinarangalan siya ng Ateneo Dean’s Awards for Applied Arts – Graphic Design noong 2003.
Marami na siyang naging trabaho: staff sa bangko at konggreso, editor sa website ng diyaryo, blogger, magazine editor at contributor, stylist, copywriter, jewelry designer, atbp. Sa ngayon, isa siyang business analyst na nagsusumikap maging data scientist.
Nailathala na ang kanyang mga tula sa Ingles sa Sunday Inquirer Magazine at The Likhaan Book of Poetry and Fiction (2001), at mga tula sa Filipino sa Latay sa Isipan: Mga Bagong Tulang Filipino (2007). Lumabas ang karamihan sa mga tula sa librong ito sa Signap Chapbook Series ng Aklat Ulagad (2022). Naging bahagi rin siya ng 4th IYAS La Salle National Writers’ Workshop (2004).
Sa isang tula, pahayag ni Miguel Paolo Celestial, “kusang nabuo ang dila ng apoy nang naibigkas ng araw ang sumasayaw na salita ng kanyang deliryo sa nakasabit na dahon.” May ganito ring pakiramdam sa pagbasa ng buong aklat na Sa Ika-ilang Sirkulo ng Impiyerno, tila kusang nabuo ang dila ng persona at nabigkas nang matatas hindi lang ang kanyang deliryo kundi ang natatanging danas—dusa’t sarap ng adiksiyon sa drogang higit na pinasasalimuot ng pag-ibig at pagnanasa, kabilang ang iba pang damdaming dinudukal mula sa isang nagdaang buhay at dinadalumat nang may pambihirang dulas, talas, at dunong ng isang indibidwal na “nakisama sa mga anino.” Minsan, dumarating ang ganitong aklat na lumilikha ng lantay na lugod at ligalig upang ipaalala sa atin ang mga “lamat sa salamin” na kailangan nating tanggapin at ang kapangyarihan ng salitang muling makapagbuo. “Nagsusulat na ako ulit. Sa sarili nagmamalasakit.”
Tila mga turista ang mambabasang ginagabayan ng makatang nakaahon na Sa Ika-ilang Sirkulo ng Impiyerno, salimbayan ang pagkamangha at hilakbot sa obhektibong tinig na naglalarawan sa mga iniwanan na’t ngayo’y binabalikang mga silid: sa “di nabawasang uhaw” sa mga kumot at kubrekamang “singgusot ng pagbangon,” sa mga haliging “gumagapang ang nagliliyab na ahas hanggang matutong mangusap”, sa mga tagpuan ng “bagong hiringgilya” at “pagsasanib ng laman” “habang dilat ang mga mata.” May perbersiyon sa panandaliang paninilip na ito sapagka’t alam nating hindi natin lubusang mapapasok ang kuwarto, at magkakasya lamang tayo sa pamboboso mula sa bungad, sa pagbabasa/panonood ng tagpo sa porno’ng mailap at hinding hindi mapapasa-atin. Kaya naman isang probokasyon sa pagtunton sa gilid ng bangin ang mga tula ni Miguel Paolo Celestial, walang pangungumpisal sa amoralidad sa kanyang pagbeberso kundi matimyas na paghahanap sa natitirang humanidad sa danas ng pagkalulong at pag-ahon sa mga huling sandali ng pagkapit sa natitirang bait. At tulad ng paglusong sa adiksiyon, isa ring pagninilay sa posibilidad at imposibilidad ng wika sa ating patuloy na pag-iral ang aklat ng mga tulang ito, dahil ano nga ba ang wika kundi ang pilit na paghahanap sa isang uri ng deliryong maaaring ipampalit sa mga nakaligtaan na’t di na natin makilalang mga nasa at lunggati?
Tumitimo sa mga pandama ang mga tula sa koleksiyong Sa Ika-ilang Sirkulo ng Impyerno ni Miguel Paolo Celestial, nag-iiwan ng bakas ng ngipin. Hindi pangkaraniwan ang mga karanasang inilalahad ngunit nagagawa niyang isangkot ang mambabasa sa ligalig, gamit ang wikang hitik sa mga detalye ng doble-karang lugod at dusa. Panatag ang pag-usad ng mga salaysay. Sa kabila ng rimarim ng mga danas, na nagdaragdag sa naiipong pangamba na walang-kurap niyang kinikilala, binibigyang-pangalan at ginagawang pamilyar. Humihiwa sa pagitan ng muli't muling pagsugat at paghilom ang mga taludtod ni Celestial at sa bingit ng wakas ng aklat, sa kailaliman ng inaakalang hindi matatakasang siklo ng mga nasa, naiiwan tayong nagpapasalamat sa hatid nitong ginhawa na maisawika ang paglusong sa bangin ng pag-iral, kahit pansamantala, kahit panandalian.
Kaibang-kaiba ang koleksiyon sa mga naunang nagwika ng panulaan at panulatang queer sa bansa, na ang default na praktika ay isilid sa matulaing sinsin at formalistang katahimikan ang mga pekulyar na danas at kaakuhan (Nestor de Guzman, Honorio Bartolome De Dios, Nicolas Pichay, Danton Remoto, J. Neil Garcia, Ronald Baytan, atbp). Wala itong tákot sa pagtatanggal ng maskara upang ilitaw ang sarili, madalas sa labis-labis na paraan, para pagmunihan ang pighati’t sugat ng pagpasok sa kagubatan ng walang-pag-asa…
Kayâ ang matutunghayan ay talagang kagulat-gulat na mga tagpo at pagpapahayag ng pagnanasa. Hindi ito para sa mahihina ang puso at sikmura…
Naririto sa palagay ko ang kapangyarihan ng mga tula sa Sa Ika-Ilang Sirkulo ng Impyerno. Maaaring hindi pangkaraniwan ang mga karanasang inilalahad rito ngunit nakikilala natin ang parehong mga pagnanasa ng ating mga laman sa mga akda, at pinapatitig tayo sa ating mga sariling bersyon ng pagkalulong na maaaring mas katanggap-tanggap lamang sa lipunan ngunit hindi naiiba sa adiksyon ng persona ng mga tula. Tunay na napapanahon at napakatapang na probokasyon ito sa ating mga mambabasa sa gitna ng mga deliryo’t kabaliwang pinagdaanan at patuloy nating pinagdadaanan bilang isang bayan.
Citation:
Paano tumula nang bago sa panahong ito? Binabaklas ng kontemporanyong tula ang mga alam natin tungkol sa tama, nararapat at dapat upang distrungkahin ang natural, normal at moral na kaayusan, upang bigyan ng tinig at maihango ang humanidad ng mga taong naitulak at patuloy ng tinutulak ng ating lipunan sa iba’t ibang suson ng sirkulo ng impyerno. Tinutulaan ang labis-labis nang buong tapang, sa hubad na hubad na wikang hindi pinagaganda ng imahen bagkus nakikipagtapatan at titigan sa diri, dura at duro ng pinaka-animal pero pinaka-tao rin nating pagnanasa. Kaya hindi rin kumpesyunal sapagka’t walang metaporisasyon para magpaumanhin sa mambabasa; kaya naman, mas tapat pa sa mga nangungumpisal na makata; kaya naman, sa huli, taong-tao ring nakikipag-usap ang makata sa kanyang mga mambabasa.
Natatangi ang Sa Ika-Ilang Sirkulo ng Impiyerno dahil mahirap tulaan ang mga pinapaksa ng mga tula dito, at mahirap ring tulaan ito sa wika at sensibilidad na tanging ang makata lamang ang makakahulma mula sa kanyang sariling danas, sa paraang maisasawika at maihaharaya lamang mula sa zeitgeist ng panahong ito: queer, milenyal, at relatable kahit bago at probokatibo. Kaya naman, totoong-totoong subersibo.
Lumamlam na ang langit, kulay krema. Singgusot ng kumot at kubrekama pagbangon natin kanina.
Titingala ang aking kasama, tila dinadapuan ng ningas na dila. Binabasbasan ng ulang titighaw sa matinding uhaw.
Amoy sabon at pawis ang iyong likod. Nakasampay sa sofa ang isang brip. Gusto kitang sundan sa panaginip.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.