Hinggil Sa Ika-Ilang Sirkulo ng Impiyerno ni Miguel Paolo Celestial
Napabalik ako sa Inferno ni Dante matapos basahin ang Sa Ika-Ilang Sirkulo ng Impiyerno ni Miguel Paolo Celestial. Una, sapagkat ito ang pangmalawakang alusyon ng koleksiyon ng mga lirikal at pasalaysay na tula na tumutuklas sa mga hanggahan ng bait at lunggati. Mabigat, lubhang nakapabigat ng pinagbayaran ng tinig sa pagpapabalik-balik, pag-ahon-paglubog, sa mga sirkulo ng kaniyang nasa, sa madalas ay lupang-bayang kahapis-hapisan ng malalalim na paghahangad sa kaytayog, kayhirap matarok na ningning at liwanag.
Ikalawa, sapagkat kumpisal din ito sa hukuman ng pagbabasá. Ang persona ay lehiyon na gumaganap bílang si Dante, Virgil, at laksang isinumpang kaluluwa na pinatawan ng pananatili at pagdurusa sa mga sirkulo ng isinumpang dako. Nagiging makatang saksi at tagapasiwalat si Celestial; sarili niya rin ang marunong na gabay sa mga pagpanaog-pag-akyat, isang maestro poeta; at wari ba, siya rin mismo ang kaluluwang kinakausap habang nakabulid sa kung saanmang sulok ng parusa. Retorikal na tanong ang pamagat, pag-uusisa sa mambabása na wari ba’y pinagsusuot din ng maskara ni Dante at pinaglilimayon sa sukal, upang tulad ng persona ay magpakaligaw sa gubat ng pithaya: matapos makinig, nasa ika-ilang sirkulo nga ang kaluluwa?
Dalawang husga ang maaaring ipataw. Una, sa tula. Ang koleksiyon ay matapang na paglikha at pagtatatag sa wika ng mga kalabisan, na ang madalas na kahulúgan at kahulugán ay perversiyon. Mahihinuha, sa isang bandá, na gayundin marahil ang “ipinasaksi” ni Virgil kay Dante sa mga sirkulo, kung saan ibinabalik sa mga namatay ang labis ng kanilang mga pasya at pamumuhay. Sa matalinong paglalatag, marahil sa paggabay na rin ng danas/dunong (mala Virgil) bílang tinig, nailalatag ang mga ito, sa panig ng persona ng koleksiyon, bílang nakapupukaw na mga episode, detalye, at talinghaga ng palagiang pagtawid sa mga hanggahan ng pag-ibig at pangungulila. Walang wakas ang paglalakbay—hindi matighaw-tighaw ang uhaw, hindi mapawi-pawi ang gútom.
Lumulubog at umaahon ang persona mula sa madalas na sidhi at pagkabangag, at mistulang inuulol ng mga salitâng ang tanging layon ay mapakislap ang mga sandali, halimbawa, habang katalik ang kinasasabikan o ninanamnam ang tama at talab ng mga tarak. Namamahay sa liminalidad ang persona, naglulunoy sa sábog at sabóg ng natatamasang walang hanggan na hindi rin makapalagayang-loob, kayâ marahil ay ikinukumpisal at ineeksorsimo sa koleksiyon. Kailangang papaghunusin bílang salita, bílang kuwento, bílang talinghagang ang hangad ay pagpapakislap ng diwa, kahit sadyang napakailap, tulad ng kaligayahan.
Kaibang-kaiba ang koleksiyon sa mga naunang nagwika ng panulaan at panulatang queer sa bansa, na ang default na praktika ay isilid sa matulaing sinsin at formalistang katahimikan ang mga pekulyar na danas at kaakuhan (Nestor de Guzman, Honorio Bartolome De Dios, Nicolas Pichay, Danton Remoto, J. Neil Garcia, Ronald Baytan, atbp). Wala itong tákot sa pagtatanggal ng maskara upang ilitaw ang sarili, madalas sa labis-labis na paraan, para pagmunihan ang pighati’t sugat ng pagpasok sa kagubatan ng walang-pag-asa. Inuusig din dito ang langit-langitan ng Kristiyanismo at ritwal na madalas tunghan bílang pintungan ng metapora ng Pinoy queer; sa pagpaparunggit sa Inferno at kawalang paghulagpos dito, iginigiit na ang ultimong tapat na mangingibig ay Dilim, at sapat nang liwanag, paliwanag ito.
Kayâ ang matutunghayan ay talagang kagulat-gulat na mga tagpo at pagpapahayag ng pagnanasa. Hindi ito para sa mahihina ang puso at sikmura. Walang pag-iimbot at buong katapatang sinasambit ang mga tulad ng “Magmamadaling umuwi para ihanda ang dalawang/ bagong hiringgilya. Maghahanap ng makakantot./ Malulusaw hanggang madaling araw ang lungkot.” Sa pabalat pa lámang, na halaw ang tagpo mula sa pintang Inferno na Dante et Virgile ni William-Adolphe Bouguereau, ipinahihiwatig na ang bakbak at dahas ng pagkapit sa lugod, na hubot-hubad na ipinatutunghay ni Celestial bílang napakahalaga, bagaman itinatatwang danas-pantao. Ganito ang pagpapakatotoo, bagaman madaling husgahang nanggugulantang. Ngunit ano pa ba ang hindi natin nakita sa mga kumpisalang-bayan ng social media? Sino rin táyo para humusga kundi mga mambabása lámang na pinapapasok sumandali sa isang inferno ng kontemporaneong búhay?
Supling ng panahong ito ang Sa Ika-Ilang Sirkulo ng Impiyerno, bagaman matagal nang nananalinghaga si Celestial. Nananabik kaming mga kahenerasyon niya na mapakinggan at mabása siya. Natitiyak kong mag-uudyok ng marami-raming balitaktakan sa mga susunod na araw at nalalapit na panahon itong napakahalagang sandali ng pagbababa ng lambong ng hiya.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.