Idinuduong táyo ng makata sa nahihimbing na ilog nang mapakinggan ang kilyawan o ang pagsunson sa bakás ng naglahòng mga bayawak. Ipinakikilála sa atin ang lagitlit ng kawayang mabolo na tagpuan ng mga alitaptap pagsapit ng dilim. At bawat punò –kalumpit, lukban, atis, nara, antipolo, sampalok ay kabahagi ng ating pagtandâ. Nakahimpil sa Duongan ang mga bangkang nilikhâ ng matitinis na tinig, ang kampay ng mga bisig at hita, at luha ng mga batàng di na makauuwi. Kawaksi táyo sa pagtanggap sa kakapusan ng hininga at salita. Taimtim na pinaghihilom ang mga sugat dulot ng dahas, kamatayan, at paglisan. Sa bandáng hulí, mulîng ititikin ang balsa sa mundo ng tumataib at humihibas na pananaginip.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.