Sumisid ako. Nakita ko ang mga bato sa ilalim ng ilog. Ang pagkakatabi-tabi. Ang pagkakawatak-watak. Ang pagkakapare-pareho at pagkakaiba-iba ng hugis. Ang naghahabulang kagatan. Ang ibang mga kalaro kong sumisisid din.
Ikinampay ko ang aking dalawang kamay upang makarating ako sa medyo mababaw na bahagi ng ilog. Hanggang sa nakikita ko na ang nag-uunahang mga paa ng iba ko pang kalaro na hinahabol ng aming taya. Kailangan kong matantiya na kapusod ko ang tubig bago ako umahon. Kailangang bilisan ko ang pagkampay dahil bukod sa malapit na akong kapusin ng hininga ay lumalayo sa gawi ko ang naghahabulang mga paa. Kampay. Kampay. At idiniin kong sabay ang dalawa kong palad sa mga bato upang mas mabilis ang aking pag-ahon. Ipinilig ko ang aking ulo, sabay punas sa tubig na tumatabing sa aking mga mata. Tiningnan ko ang lebel ng tubig sa aking katawan. Lampas sa pusod. Nakita ko ang taya na mabilis na papalapit sa akin. Mabilis kong inihakbang ang aking mga paa papunta sa mas mababaw na bahagi ng ilog. At bago pa man dumantay ang kanyang kamay sa aking katawan ay sumakto na sa aking pusod ang lebel ng tubig.
“Pusod! Pusod!” sigaw ko. Tuwang-tuwa ako dahil hindi ako naging taya.
Dumampot ako ng bato. Ipinukol ko sa gawi ng ilog kung saan kami dati naglalaro. Ni hindi ito lumikha ng kilapsaw.
Sinipa ko ang kaputol na kahoy na bumaon sa dating buhay na ilog.
(mababasa sa Pamalakaya, sinulat ni Arnold Matencio Valledor)
Paggunita sa mga alaala at pag-alala sa mga gunita ang pagbasa sa Pamalakaya|Pamarapara ni Arnold Matencio Valledor.
Ito ay muling pagtatatampisaw sa mga sapa, at muling pagsalok ng tubig (inumin at panligo) sa mga libtong ng kamusmusan.
Ito ay minsan pang pagtawid sa mga tulay na nag-uugnay sa mga damdamin at isiping kaakibat ng bawat yugto ng buhay, at muling pagtuklas ng mga halos-limot na ngunit mahal pang mga sulok, shortcuts, at dako pa roon pauwi sa sarili.
Pag-uwi sa sarili kipkip ang sisidlan ng samut-saring karanasan ang pagbasa sa mga akdang may mensaheng unibersal at naisaad nang may likas na kamalayan. Buhay at makulay ang diwa at dilag ng Catanduanes: pagmamalaki sa yaman ng industriya ng abaka at sa mga hamong kaugnay nito, siphayo at pangamba hatid ng madalas na pagdalaw at paggambala ng mga bagyo, at pagdiriwang ng maliliit at malalaking tagumpay ng sarili, pamilya, kaibigan, at kababayan.
Sa koleksiyong Pamalakaya, binibigyang-pugay ang talinghaga, talino, tatag, at tibay ng isang ama, pati na rin ang mga aral at pamanang ibinabahagi at iniiwan niya. Matining ang mensahe: A father is someone who can be unique and local, and generic and universal at the same time. Simply because he loves. Dahil sa pagmamahal ng isang ama, ang mundo ay isang mas mabuti at masayang panahanan.
Paulit-ulit na pagdalaw sa Happy Island ang paglalakbay kapiling ang mga tauhan sa mga akda, at ang pagmarapara sa kanila.
Isang gabing hindi mabitiwan ang pagbabasa sa koleksyon tulad ng pagtulala sa bilog na buwan. Itinatawid tayo sa mayamang kultura at wika ng sinilangang probinsyang nagluwal sa mga hitik na alaala ng ating kahapon, ngayon, at bukas. Nagtataya ito ng mga panibagong pagbasa sa pamamalakaya sa buhay. Sa mga paahon, palusong, at paakyat sa mga kabundukan at pasikut-sikot sa isla ng pagkatuto ng indibidwal sa kanyang pamayanan. Habang patuloy siyang nakikipagpatintero sa araw-araw na pag-iral upang mapagtagumpayan ang pinakmimithing “suman” para sa lahat.
Si Arnold Matencio Valledor ay may asawa at apat na anak, Punongguro II, at kasalukuyang Officer-in-charge ng Public Schools District Supervisor ng Bagamanoc South District, Dibisyon ng Catanduanes. Siya ay naging fellow ng 10th Ateneo National Writers Workshop taong 2010. Nagsalin siya sa Bikol Norteng Catandungan ng ilang tweets ni Rolando B. Tolentino sa aklat na #Pag-ibig (2014) at ng ilang tula ni Allan Popa sa aklat na Hunos (2016).
Mababasa ang mga akda niya sa Liwayway Magasin, An Satuyang Kakanon Sa Aroaldaw, Ani 40 at 41 (Cultural Center of the Philippines Literary Journal), Lagda (Journal ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipina), Aksyon: Dagli ng Eksenang Buhay (7 Eyes Productions), Balintuna: Mga Kuwentong Kakatwa, Lakbay: Mga Tulang Lagalag, Katastropiya, Kasingkasing Nonrequired Reading In The Time Of Covid-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4, Balligi: Mga Kuwentong Tagumpay at Pagpupunyagi (KAISA), Katitikan 4 (Literary Journal of the Philippine South), Luntian 4 at 6 (Online Journal para sa Malikhaing Akda), Kwentong Covid/Kwentong Trabaho, Alaala Ng Mga Pakpak (KWF Publikasyon), Santelmo 1 (San Anselmo Publications, Inc.), Freelipiniana Online Library ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, at Kawing: Refereed Journal ng PSSLF, Tomo 6, Bilang 1.
Nanalo ng Unang Gantimpala sa Gawad Obrang Literaturang Bikolnon noong nakaraang Mayo 31, 2020 sa Kategoryang Pinakamatanos na Parausipon, at Ikalawang Gantimpala sa Kategoryang Pinakamatanos na Pararawitdawit na pinangunahan ng Kaboronyogan kan mga Artistang Bikolano.
Isa sa mga nanalo sa patimpalak na Tula Tayo 2021 ng KWF sa kategoryang Tanaga sa piyesang Titser na si Nanay.
Si NOEL RODULFO VILLANUEVA ay tubong Panganiban, Catanduanes, Master Teacher 1 at Catanduanes National High School at nagtuturo ng Technical Drafting and Visual Arts. Siya ay miyembro ng CAMOT (Catanduanes Artistic Minds and Outstanding Talents). Bilang Visual Storyteller, ang kanyang mga likha ay inspirado ng mga pang-araw-araw na buhay Catanduanganon.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.