Hindi araw-araw namimigay ang dagat.
Alam iyon ng lahat. Alam din iyon ni Busay kahit na kadalasang nakatengga ang bangka niya sa aplaya. Sabi nga ng karamihan sa mga mangingisda, pana-panahon din. May mga araw na kusang pumaparada papuntang aplaya ang mga isda, mistulang mahabang prusisyon. Pinangungunahan ito ng mga alamang o ’di kaya nama’y mga dilis. Susundan ito ng maliliit na isda—mga tamban, isdanlawin o matambaka. Hindi man umabot sa baybayin ang mga tanigue at tulingan na siguradong kabuntot ng mga naunang isda, alam na ng mga mangingisda ang gagawin. Magbibitbitan ang mga residente ng mga lambat at silo na ipanghuhuli sa mga naligaw na tamban...
Ang aklat na ito ay hindi (lamang) tungkol sa mga taga-Catanduanes. Hindi ito dagat lang. Hindi ito Maqueda Channel lang na umuugnay o humihiwalay sa Catanduanes at Kalakhang Luzon. Tungkol ito sa espasyo kung saan ako sumubok maglayag, magkabayag, at huminga sa bawat pagkalunod. Ang pagitan ng Catanduanes at Camarines Sur —lalo na ang mga coastal barangay sa kanlurang bahagi ng Catanduanes at mga baryo ng Caramoan sa Camarines Sur. Tungkol ito sa kanilang mga nasa gitna. Kadalasang naiipit sa mga banggaan at bangayan ng mga kung anomang naglalakihan. Napipipi dahil di malalaki ang boses at kung may maglakas man ng loob na lumikha ng ingay, ay bulong pa rin kung ikukumpara sa mga normal na boses ng mga taga-Sentro, ng mga tagalungsod.
Lugar ito ng mga prusisyon sa dagat, pabilisan ng langoy, iba't ibang mukha ng pagsisid, paghihilom ng bagong tabas na titi, pagpapaihi ng naiwang gasolina sa tangke ng bangka, pagtawid sa kabilang pampang at pagkalalake, panganganibal kahit na nasa sinapupunan pa lamang*, pagtanggap at pagsara, paglikha ng paniniwala at kawalang-paniniwala, pagbabalat-kayo ng dila, personal at unibersal na paglason, mga pag-ibig sa mga espasyong tila di nababagay rito, pagwawala dahil wala naman talagang nagagawa, pagkilos at pagiging dagat.
Tungkol ito sa maliliit at maiikling hininga. Gayonpaman, kung naiipon ay nakabubuo ng mga subaskong nakapanginginig sa mga tao at entidad na di saulado ang mga di-karaniwang bagyo. Mga bagyo sa laot na walang pasintabi sa gara at tikas ng mga nagmamalaking lantsa at de-bakal at kongkretong estruktura. Tagalikha ng uka at guho at bangas sa mga mukha ng baryo, dalampasigan at daungan. Ngunit tagapaalala na ang nasa gitna ay tulay rin ng buhay at progreso. Tungkol ito sa kanilang pagpalaot, paglubog, paglutang at pagsinghap sa tuwing kinakapos ng hangin at sumisikad at sinisikap umusad papunta sa bawat pampang ng paglaya o kahit na sa simpleng kapanatagan.
Bagama’t tinitingnan ang Maqueda bilang tagalayo ng oportunidad sa mga nagbabalak mangibang-bayan o di kaya’y tagahiwalay ng mga magkakarelasyon, tagadugtong naman ito ng pang-araw-araw na hininga ng mga taong nakabisa ko na ang pagkatao. Mga taong humihinga kung saan rin ako humihinga at humihingi ng espasyo. Tungkol ito sa mga kahiraman ko ng hangin at kapwa ko tagakilatis ng ulan, hangin at ulap kung ito ay Dumagsa, Salatan at Timog. Tungkol ito sa akong nagluwal sa akin at sa akong iniluluwal ko. Ang koleksyong ito ay ang Maqueda ayon sa aking pagkakakilala. Basahin ninyo ang aming mga nasa at mga kaakuhan sa dagat na ito. Makilangoy kayo sa aming bawat pagpusag!
Nap I. Arcilla III,
mangingisdang walang mahuli
---
*ang "nasa sinapupunan pa lamang" ay galing sa tulang Pating ni En Villasis.
**Pitik ni Jefferson S. Arcilla
***Lapat ni Paul John C. Padilla --- Sabaya't sarili!
disenyo ni Vic Nierva
Ito’y isang pamamalakaya! Pagmamapa sa dagat ng Maqueda gamit ang mga istorya. Bagama’t may kani-kaniyang babaw at lalim ang mga kuwento, lahat ay pinagtatagpo ng alat ng dagat at alak sa hapag. Mga tauhang sinanay na sa pagsuray-suray ng mga bangkang pangisda na kahit pa nakatira sa lupa ay matagal nang minamanipula ng dagat ang pandama.
Ito’y isang pamamalakaya! Pagmamapa sa dagat ng Maqueda gamit ang mga istorya. Bagama’t may kani-kaniyang babaw at lalim ang mga kuwento, lahat ay pinagtatagpo ng alat ng dagat at alak sa hapag. Mga tauhang sinanay na sa pagsuray-suray ng mga bangkang pangisda na kahit pa nakatira sa lupa ay matagal nang minamanipula ng dagat ang pandama. Nakikitulak tayo sa kanila sa baybay para maglayag sakay ng kani-kanilang bangka. Sa huli ito pala’y paghahatid sa atin, sa sarili nating mga dangop sa kani-kaniya nating dagat. Samantalang nakikinig lang naman tayo sa pamamangka ni Nap sa aklat na ito ay nilalango na tayo sa pakikilangoy ng mga tauhan para sa kani-kanilang boya, ice box, at iba pang mga naiwan at itinago sa dagat.
Balbal at bulgar, bastos at malansa ang bibig ng mga tauhan. Subalit naroroon ang hiwaga ng mga kuwento ni Nap, nasa kaniyang wika. Katulad ng dagat, na hindi matatagpuan ang kaganapan sa pagsasalo ng alon at baybayin. Nasa kaibuturan ng dagat nakaplanta ang kaluluwa ng mga kuwento.
Nagtagumpay si Nap na ipakita ang Maqueda sa atin. Mi ultimo, karamihan sa mga Catandunganon ay namamalas lang ito sa tuwing sasakay ng Calixta paluwas o pauwi ng isla. Ang aklat na ito ay isang piraso ng Maqueda. Isang pagmamarka. Paniningkayad sa kung gaano natin lubos na kakilala ang dagat. O marahil isang paglilinaw na matagal nang napaliligiran ng karagatan ang ating pandama.
Si Emmanuel T. Barrameda ay awtor ng P’wera Bisita
Lugar, kondisyon, kalakaran ang Maquedani Nap Arcilla na humihinga ng mga karaniwan na nakaligtaan kung kaya’t nanggugulantang sa kanilang lakas at dahas. Pinakinggan ni Nap ang mga karaniwang kuwento ng komunidad: ng isla; ng mga karaniwang tao: mga magulang at anak ng bangka, at ng mga tauhan ng dagat, ang dagat mismo “na hindi araw-ara
Lugar, kondisyon, kalakaran ang Maquedani Nap Arcilla na humihinga ng mga karaniwan na nakaligtaan kung kaya’t nanggugulantang sa kanilang lakas at dahas. Pinakinggan ni Nap ang mga karaniwang kuwento ng komunidad: ng isla; ng mga karaniwang tao: mga magulang at anak ng bangka, at ng mga tauhan ng dagat, ang dagat mismo “na hindi araw-araw namimigay”: ang mga isda. Nararapat itanong: ano ang ginagawa ng mga kuwentong ito?
Isa, binabasag niya ang mito ng idyllic na isla. Walang liriko rito kundi lutong ng Inang-Wika sa mga diyalogo at deskripsyon, at mahika kapwa ng kanilang partikularidad at komplexidad bilang ecosystem ng mga imahe: “tiyan ng butete,” “reyna ng tamban.” Walang sentimental rito kundi ang halimbawa ng pagsisisid bilang precarious na trabaho at isang pagtatanghal ng pagkalalaki. Hindi ito ang romantiko na probinsya. Dito, sumasabog ang lantsa, naghuhuramentado ang dagat, may patrolya sa dagat, ang icebox ay isang teknolohiya, at ang mga karahasan na ginagawa ng tao sa kalikasan at sa isa’t isa, na maging ang kamatayan ng ka-pamilya ay isang panalangin.
Nagkukuwento si Nap ng ating mga kahihiyan at pagkawalang-hiya sa wikang malalasahan mo ang tunog sa mga ritmo ng mga pantig at pangungusap, sa pamilyar na porma sa pahina, sa isang pangarap na pantalan ng ating mga pagtatagpo. Tagay!
Si Genevieve L. Asenjo ay awtor ng Lumbay ng Dila.
Malinaw na dalubhasa si Nap Arcilla sa milieu ng pamumuhay sa isla at dagat. Kaya’t hindi napunta lamang sa pagroromansa sa biyaya ng dagat ang mga kuwento. Ikukuwento niya ang mga itong rumirenda man ng mga siste at sinematikong deskripsiyon, tulad ng isang bihasang mangingisda na tantyadong humihila ng lambat, walang-preno naman niyang
Malinaw na dalubhasa si Nap Arcilla sa milieu ng pamumuhay sa isla at dagat. Kaya’t hindi napunta lamang sa pagroromansa sa biyaya ng dagat ang mga kuwento. Ikukuwento niya ang mga itong rumirenda man ng mga siste at sinematikong deskripsiyon, tulad ng isang bihasang mangingisda na tantyadong humihila ng lambat, walang-preno naman niyang sasabihin sa atin ang lahat ng tinik at kaliskis ng galit, senglot, sabog ng bomba, pag-ibig, libog, at iba pang bwakananginangyan, para makita natin ang katotohanan sa bawat kuwento.
Hindi takot mangwasak ng lambat at mambutas ng bangka si Arcilla. Ipararamdam niya sa atin ang bawat lansa, ang lahat ng lansa. Lalambatin tayo ni Arcilla para patunayang may mga tunay na kuwento ng buhay na araw-araw namamatay at binubuhay sa dagat. Inuumpisahan nang muli ng “Maqueda” ang pagtatangka na punuin ang matagal na nating vacuum sa mga kuwentong-dagat sa panitikan at kamalayang pambansa. At si Nap Arcilla ang isa sa mabisang nagpupuno nito, at nangunguna sa bagong-henerasyon ng mga kwentista sa bansa.
Si Ferdinand Pisigan Jarin ay awtor ng Anim na Sabado ng Beyblade at Iba pang Sanaysay.
Hindi maitatangging natatangi ang koleksyong ito ng maikling kuwentong ni Nap Arcilla. Mistulang bangka ang kanyang mga akda. Malaya tayong pinasasakay nito upang kilalanin ang dagat. Sa pagsagwan natin sa bawat pahina ng aklat, mamamangha tayo sa lalim at kinang ng mga likha niyang tauhan; mga mangingisda, tindero, manggagawa at iba pa n
Hindi maitatangging natatangi ang koleksyong ito ng maikling kuwentong ni Nap Arcilla. Mistulang bangka ang kanyang mga akda. Malaya tayong pinasasakay nito upang kilalanin ang dagat. Sa pagsagwan natin sa bawat pahina ng aklat, mamamangha tayo sa lalim at kinang ng mga likha niyang tauhan; mga mangingisda, tindero, manggagawa at iba pa na lunan ang dagat, dalampasigan at pantalan. Inihahatid tayo ng kanyang mga kuwento sa laot ng guniguni subalit hindi tayo hinahayaang malunod o tangayin patungo sa kawalan.
May alat at pait man ang kanyang mga kuwento, mahusay niya itong hinabi na parang matibay na lambat na sasakop sa ating pagkatao. At bagaman kathang-isip ang hatid niyang mga pangyayari at sitwasyon, mahihiwatigan natin ang malalim niyang pagkaunawa at pagkakakilala sa kanyang musa. Hindi lamang ang tubig ang kanyang inspirasyon sa paggaod ng kanyang imahinasyon, kundi ang mismong komunidad ng mga tao na maghapon at magdamag na naghahanap-buhay upang harapin ang daluyong ng iba’t ibang anyo ng pakikipagtunggali.
Sa huli, parang pagsabog ng dinamita ang pagpapakilala ni Nap bilang kuwentista. Subalit matapos ang pagsabog, hindi magtitilad-tilad ang kanyang Maqueda, kundi, unti-unting nabubuo ang mga bahagi nito sa kamalayan natin bilang mambabasa upang masilayan sa abot-tanaw ang katuturan ng mundo.
Si Rommel B. Rodriguez ay awtor ng Maikling Walang Hanggan.
Sabi ng mga scholar sa panitikan, bagamat arkipelago ang Pilipinas, kakaunti ang mga naisusulat na kuwento na may kinalaman sa tubig. Partikular sa dagat at karagatan nito. Parang mas maraming kuwentonmg bundok, gubat, bukid at siyudad. Siguro, gustuhin mang i-romanticize ng ilang manunulat ang dagat, hindi uubra. Yung mga manunulat na na
Sabi ng mga scholar sa panitikan, bagamat arkipelago ang Pilipinas, kakaunti ang mga naisusulat na kuwento na may kinalaman sa tubig. Partikular sa dagat at karagatan nito. Parang mas maraming kuwentonmg bundok, gubat, bukid at siyudad. Siguro, gustuhin mang i-romanticize ng ilang manunulat ang dagat, hindi uubra. Yung mga manunulat na naburyong sa sistema, namumundok; hindi ‘nagdadagat/nagdaragat.’ Kaya siguro walang salitang ‘nagdadagat/nagdaragat.’ Oo nga naman, may makakatagal ba ng ilang taon o dekada sa gitna ng laot? Baka magkahasang at tubuan ng kaliskis si writer.
Pero malaking porsyento ng populasyon ng Pilipinas ang nabubuhay at binubuhay ng dagat kayat tiyak na napakaraming kuwentong kaugnay nito na dapat mabasa.
Kaya naman, masuwerte tayo at may kagaya ni Nap Arcilla na matiyagang pinukot ang mga kuwentong lumulundag at pumupusag. Buong tapang na sinisisid, pinapana, dinadakma ang mga gunita’t larawan kapag hindi na madaan sa pamimingwit o pamamandaw. Alam niya kung paano mag-usap ang alon ng talinghaga sa dalampasigan ng haraya. Ang mga kuwento rito ni Nap, sumusugat gaya ng taliptip, nagpapatahimik gaya ng taib. Bumubulong sa daluyong, sumisigaw sa kati.
Matapos kong basahin ang mga kuwento ni Nap Arcilla III dito sa Maqueda, pakiramdam ko, sunog ang balat ko sa araw at bahagyang maaligasgas dahil sa natuyong asin.
Si Eros S. Atalia ay Awtor ng Ang Ikatlong Anti-Kristo.
Mula sa isla-probinsya ng Catanduanes si Nap I. Arcilla III. Guro at mag-aaral sa umaga. Urag-uragong kuwentista sa gabi. Galing siya sa angkan ng mga mangingisda ng Maygnaway, San Andres ngunit tiki lamang ang lagi niyang nabibingwit. Nahihirapan pa ring maghayuma ng lambat hanggang sa ngayon. Mahilig siyang magpakalunod.
Kasapi ng Bilog Writers’ Circle. Kandidatong kasapi ng Kataga-Online. Napili siyang fellow ng 8th Saringsing Workshop, Unang Kaboronyogan, Ikalawang Palihang Multi-Genre ng PUP, 12th Palihang Rogelio Sicat, 17th Ateneo National Writers Workshop, 20th UST National Writers Workshop at Tara, Tula 2020.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.