full cover spread of Atra, design by Oliver Ortega and Ruzzel Valdepeña
Nasa Atra: Mga Tula 1999 – 2019 ang kompletong mga tula ni Mesándel Virtusio Arguelles sa nagdaang dalawang dekada na nilalaman ng 18 aklat: Menos Kuwarto (2002), Ilahás (2004), Hindi man lang nakita(2006), Parang (2008), Alingaw (2010), Alinsunurang Awit (2010), Antares(2010), Mal (2011), Mga Tala at Panaginip (2012), Guwang (2013), Pesoa (2014), Kurap sa Ilalim(2016), Gera (2016), Chi (2016) Talik (2017), Antares(2018), Walang Halong Biro (2018), at Mujeres Publicas (2019). Makikita sa tomong ito ang masaklaw, malalim, malikot, at nagbabagong paglikha ng may-akda, mula sa mga tradisyonal na paraan hanggang sa mga kontemporanyong eksperimentasyon na pangunahing sumasalamin sa kanyang patuloy na pag-aapuhap ng pinakaangkop na mga anyo ng pagpapahayag at pag-uusisa kaugnay ng mga paksa at temang mula sa simula hanggang sa kasalukuyan ay kanyang ginagalugad, sinusunson, at isinusulong gaya ng mga konsepto at penomenon ng panahon at alaala, wika at kawalan, identidad at anonimidad, intimasiya at sex.
Sabi nila:
“Maselan ang pagbasang hinihingi ng mga tula... Kasimpino ng dampi ng hininga ang pagtula ni Mesándel Virtusio Arguelles. Bunga ang ganyan ng pihikang pamimili ng mga tunog at maingat na pagdaratig ng mga parirala at sugnay upang makalikha ng magaang ritmo at mala-sutlang dating ng taludtod. Tulad ng hininga, saglit na dumaraan ang mga tulang liriko ni MVA sa ating hinagap at pandama, at sa saglit na yaon, nag-iiwan ang mga ito ng langkay ng mga diwa at danas na umaakit na ating balik-balikan… realidad na nais ng makatang mapanghawakan ng mambabasa bilang pabaong “kahulugan””.
– Bienvenido Lumbera,
Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan
“Makata ng tunog at ritmo. Kahanga-hanga ang tainga ni MVA sa pagtimpla ng musika ng mga katinig at patinig, lalo na’t nagagabayan ng mithiing pamparikala.”
– Virgilio S. Almario,
Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan
“Naghuhunos sa kulay ang paglalarawan ng ordinaryong mga karanasan at tagpo: ang pagpapalipad ng saranggola, ang paglakdaw ng tingin sa isang silid, ang pagmamasid sa umaga matapos umulan. May musika at tunog: naririnig ang ritmo ng mga alon, hishis ng ahas, pagdapo ng silahis. Sinasalakay tayo ng mga suryal na imahen at nililigalig ng mga nakabiting tanong. Higit sa lahat, matutuklasan nating kaya ng koleksiyon [ni MVA] na gawakin ang ating mga ulirat at pandama sa alay nitong mga talinghaga.”
– Luna Sicat Cleto,
nobelista
“...Arguelles has shown that he is not only one of the best Filipino writers at present but also the country’s most remarkable contemporary poet in Filipino, one whose dedication to his craft and its improvement is felt even in the shortest of his compositions, in his resolve to stay often on the ground to sit and observe.”
– Richard Bolisay,
manunulat at kritiko
“Balintuna at parikala ang pinaka-udyok ng kanyang mga tula… kasangkapan ang lawak at mga puwang ng pahina para malubos ang pagpaparinig sa iba't ibang rehistro ng katahimikan at nang lumaon ang obsesyon niya sa pag-uulit upang maipakita nang lubusan ang pagbabago at pagsasanga ng kahulugan ng salita sa pahina ng tula. Sa [kanyang] mga koleksiyon ng tulang naisulat, lalong tumindi ang pagtitig niya sa kayarian ng salita at ang katahimikang pumapaligid dito na tulad ng isang siyentista. Umikli nang umikli ang kanyang mga tula sa kagustuhang makapanahan sa ngayon-dito ng tula, sa pinakamaliit na espasyo ng paglipas ng panahon, ang sandali ng pagdatal ng kahulugan na mabilis ding mawala. Ito ang sityo ng kontemporanyo, ang maipadama ang diin ng ngayon sa dito ng pahina ng tula, ang tagpuan ng salita, katahimikan, at mundo upang mabigyang anyo ang danas ng pagiging-nasa-mundo. Bagamat maiikli ang kanyang mga tula, naipadaranas niya sa mambabasa ang paglawak ng mga pahiwatig sa pahina.”
– Allan Popa,
makata
“May mundong binubuo si Mesándel Virtusio Arguelles... kung saan ang lahat ay pagtantiya at walang totoong mahalaga. Binabali ng [kanyang mga tula], paulit-ulit, ang pagdanas natin sa araw-araw. Inihahagis nito sa atin ang posibilidad, hindi na wala tayong alam, kundi na ang mismong pagkakaalam natin ay isang pagtatangka lamang na magpaliwanag. Hindi maliwanagan—walang ganitong ipinapangako ang [kanyang] mga tula... Dahil itinatakda rin dito ang kahinaan ng salita, ang kakulangan nito.”
– Katrina Stuart Santiago,
manunulat at kritiko
“The impulse, when confronted by the unnamable, is to name, by the shapeless, to shape. But Arguelles seems to shun possession and instead relishes the threshold, contemplating this space before him with the eloquence of the humbled and the tongue-tied. In [his] poems there is much wonder, even as this wonder is tinged with and gives way to the darkness that inevitably stares back at all those who dare to look.”
– Mayo Martin,
makata
“Si Mesándel Virtusio Arguelles ang isa sa pinaka-prolipiko at marahil, ang pinakapangahas nating makata. Mula sa mga panimulang pagtatangka sa Menos Kuwarto—ang kanyang unang koleksiyon—nilamukos niya ang lengguwahe at inimbestigahan ang kalikasan ng tula sa Ilahásat Hindi man lang nakita; inihulog tayo sa Guwang ng Parangng mga inaakala nating kahulugan ng tula; binura ang mga pagpapakahulugan natin sa salita at sa mismong poetikong danas sa Pesoa at Gera... Radikal kung gayon ang buong proyektong pampanulaan ni Arguelles, isang pagbangga sa buong kasaysayan ng pagtula sa Filipinas: mula sa anyo, hanggang sa nilalaman, at sa mismong paggamit ng wika.”
– Jerry Gracio,
makata at screenwriter
“Sa madaling sabi, maituturing kong naiiba at mahahangaang uri ng poesiya ang mababasa sa koleksiyon ni Arguelles. Iginagalang ng kanyang pagtula ang mambabasa at pinagtitiwalaan itong makakatuloy nang maluwat sa daigdig [ng akda].”
- Romulo P. Baquiran Jr.,
makata at kritiko
“[In his poems] Mesándel Virtusio Arguelles shows us the sprawling myth of the otherwise mundane, as well as the stark simplicity unfolding to let slip its inherent chaos... Unflinching, inventive, and astute... [Arguelles's poetry is] poetry that celebrates and mourns our fragile, fleeting lives.”
- Kristine Ong Muslim,
makata at kuwentista
Si Mesándel Virtusio Arguelles ay nagtapos ng MFA in Creative Writing at PhD in Literature sa De La Salle University-Manila at dito rin siya nagtuturo ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat. Siya ay may-akda ng 20 aklat ng tula at sanaysay kabilang ang Kurap sa Ilalim (De La Salle University Publishing House, 2016), Pesoa(Bala
Si Mesándel Virtusio Arguelles ay nagtapos ng MFA in Creative Writing at PhD in Literature sa De La Salle University-Manila at dito rin siya nagtuturo ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat. Siya ay may-akda ng 20 aklat ng tula at sanaysay kabilang ang Kurap sa Ilalim (De La Salle University Publishing House, 2016), Pesoa(Balangay Productions, 2014), at Walang Halong Biro (De La Salle University Publishing House, 2018) pawang finalist sa National Book Award noong 2015, 2017, at 2019. Nagkamit siya ng mga parangal kabilang ang Maningning Miclat Award for Poetry at Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at nakatanggap din ng mga fellowship mula sa UP National Writers Workshop (2000 at 2012) at Bienvenido N. Santos Creative Writing Center National Workshop on Art and Cultural Criticism (2016). Ang pinakabago niyang mga aklat ay Antares (Balangay Productions, 2018) at Mujeres Publicas(Balangay Productions, 2018). Ang mga salin sa Ingles (ni Kristine Ong Muslim) ng kanyang mga tula ay nalathala sa iba’t ibang publikasyong internasyonal kabilang ang Asymptote, Circumference: Poetry in Translation, Samovar, Cosmonauts Avenue, Spoon River Poetry Review, The Cossack Review, at iba pa. Ang susunod niyang dalawang aklat ng tula, Three Books at Hollow, ay ilalathala sa United Kingdom at sa Amerika ngayong 2020. Napili ang Three Books bilang Autumn Translation Selection ng Poetry Book Society sa UK. Bahagi rin ng kanyang mga interes at proyekto ang sining biswal, pelikula, conceptual art, pagsasalin, at kritisismo.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.